MARAMI ang nagtatanong kung bawal ba ang isang tao na balak tumakbo sa Barangay at SK elections na mag-project o di kaya ay magprogram sa barangay nila. Ano ang bawal, ano ang pwede?
Ang sagot ay depende kung official candidate ka na?
At dahil manual election ang Barangay at SK Election ay iba ang sagot kung kandidato ka na sa isang automated election.
Sa automated election tulad ng national o local, kapag nagfile ka na ng certificate of candidacy ay hindi ka pa kandidato. Ituturing kang kandidato kapag nagsimula na ang official campaign period.
Pero sa manual election tulad ng Barangay at SK, kandidato ka na upon filing of your certificate of candidacy. At dahil ayon sa COMELEC resolution no. 1117, ang filing ng candidacy ay September 28,2026 to October 5, 2026 ay wala pang kandidato ngayon.
Lahat ay pumuporma pa lang at nagbabalak. Kaya kung may project ka, ituloy mo lang basta wala kang nilalabag na batas. Pero kapag nagfile ka na within that filing period, kandidato ka na at maghintay ka na ng official campaign period October 22 to October 31 2026.
Kaya naman kapag nagfile na at kandidato na at tumulong ako sa mga binaha o nasunugan, bawal? Hindi bawal ang tumulong, ang bawal ay premature campaigning. Kapag idinemanda ka dahil nakita ka na nagpakain sa mga nasalanta ng bagyo, dapat patunayan ng nagdemanda sa iyo na nangangampanya ka.
Halimbawa ay pinatutugtog mo na campaign jingle mo habang nagdidistribute ng relief goods. O, di kaya pinakilala ka at nagtalumpati ka na bilang kandidato. Pero kung tinanong ka lang naman ng tao kung nagfile ka na at sinabi mo na OO ay hindi pangangampanya iyan.
Importante malaman ng isang nagbabalak tumakbo kung kailan siya official candidate. Lalo na kapag nagfile ka ng statement of contribution at expenses.






