UPANG mas marami pang mga pamilyang Pilipino ang magkaroon ng sariling tahanan, nagpatupad ang Pag-IBIG Fund ng mga bagong pampinansyal na hakbang at mas abot-kayang interes na nagsisilbi sa mga miyembro mula sa iba’t ibang antas ng kita sa buong bansa.
Sa ilalim ng mga bagong alituntuning ito, ang mga kwalipikadong borrowers sa ilalim ng socialized housing ay makakakuha ng subsidized interest rate na 3 porsiyento lamang. Samantala, ang mga miyembrong bibili ng mga bahay na lagpas sa socialized housing ceiling ay maaari namang makinabang sa mga promotional rates na 4.5 porsiyento o 5.75 porsiyento, depende sa kabuuang halagang inutang para sa bahay.
Dahil sa pinalawak na housing loan amount ng Pag-IBIG Fund na hanggang ₱10 milyon bawat borrower, pinalalawak ng ahensya ang abot-kayang pondo hindi lamang para sa socialized housing kundi maging sa mga middle-income at upper-middle-income na manggagawang Pilipino na naghahanap ng bahay na angkop sa kanilang pangangailangan.
Ayon kay Avida Land President Raquel S. Cruz, ang mas mataas na loan ceiling at mababang interes ng Pag-IBIG ay nagbibigay ng mas malaking oportunidad para sa mga residential brands ng Ayala Land na maglingkod sa mas maraming pamilya. Pag-aaralan din ng dalawang panig ang mas mabilis at direktang proseso ng dokumentasyon o Developer-Assisted housing loan processing, kabilang ang mga kwalipikadong proyekto ng Amaia Land sa ilalim ng Expanded 4PH Program.
Binigyang-diin naman ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta na layunin ng ahensya na tulungan ang bawat miyembro na makahanap ng bahay kung saan ang buwanang hulog ay maihahambing o mas mababa pa sa buwanang upa sa bahay. Sa ganitong paraan, ang kanilang pinaghirapang pera ay napupunta sa tahanang tunay na sa kanila para sa mas maganda at secure na kinabukasan ng kanilang pamilya.






