MANILA, Philippines – Isang 16-anyos na Grade 10 student ang naaresto makaraang gripuhan at tusukin ng isang ice pick ang kanyang kainuman na namagitan sa away ng mga kabataan sa Brgy Biga, Silang, Cavite.
Ayon sa report , kinilala ang biktima na si alyas ‘Kev’, 29, construction worker na residente Brgy Biga 1, ng nasabing bayan na namatay at hindi na umabot nang buhay nang isugod sa Silang Specialist Medical Center dahil sa tama ng saksak sa dibdib nito.
Ang suspek ay isang 16-anyos na binata na nakatira sa Barangay Adis ng naturang lugar na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat, una dito ay nag-iinuman ang biktima at suspek at ilang kaibigan nito dakong alas-12:50 ng madaling araw nang sa kalagitnaan ng kanilang inuman ay hindi nagka-intindihan sa usapan ang suspek at mga kabataan na kainuman.
Dahil ang biktima ang nakatatanda sa mga nag-iinuman, tumayo ito at tinangkang mamagitan sa awayan ng mga bagets na ikinagalit ng binatilyo.
Nang nakita ng suspek ang ice pick sa lamesa ay kinuha nito at pinagsasaksak ang biktima.
Matapos ang pananaksak ay tumakas ang suspek bitbit ang ice pick na ginamit sa pagpatay. Margie Bautista