MANILA, Philippines – BINATIKOS ni Vice President Sara Duterte ang gobyerno sa tuloy-tuloy na pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa taun-taon.
Itinurong dahilan ni VP Sara ay ang kakulangan sa disaster preparedness na nakapag-ambag sa problema.
Sinabi ni VP Sara sa isang panayam habang nasa personal trip sa The Hague, Netherlands, napagkuwentuhan nilang mag-ama, dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang tungkol sa kasalukuyang situwasyon ng pagbaha sa Pilipinas.
“Napagkwentuhan namin na taon-taon na lang na gano’n, pero wala talagang mga proyekto na nag-a-address sa baha. Ibig sabihin, inaantay na lang natin dumating ‘yung bagyo at ‘yung baha at maging biktima na naman tayo ulit ng baha taon-taon,” ani VP Sara.
Tinanong si VP Sara hinggil sa naging suhestiyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-imbak ng tubig baha at muling gamitin ito para sa agricultural purposes.
“Ipunin po natin lahat tapos i-deliver po natin sa Malacañang para po may mainom siya,” ang sinabi ni VP Sara.
“Ganoon na po ang gagawin natin—ipunin natin lahat tapos i-deliver po natin sa Malacañang para meron silang mainom doon,” aniya pa rin.
Kamakailan, sa naging pagbisita ng Pangulo sa Department of Social Welfare And Development (DSWD)-National Resource Operations Center, Ibinida din ng Pangulong Marcos ang mga balde na mayruong filter na maaring paglagyan ng tubig na kahit hindi malinis kapag na filter ay maari na itong inumin.
Ayon sa Presidente malaking bagay ang mga baldeng may filter lalo na sa panahon ng bagyo na hirap makainom ng malinis na tubig dahil sa mga pagbaha.
“‘Yung tinesting namin, ‘yun ‘yung balde na mayroong filter na kahit anong klaseng tubig, ‘wag lang maalat, pero kahit na iba, basta fresh water, kahit hindi masyadong malinis, pwedeng ilagay sa balde, pwedeng inumin. Idadaan lang doon sa filter na ‘yun,” ang sinabi ng Pangulo. Kris Jose