ILOCOS SUR-Tigok ang isang calamay vendor matapos na sumadsad ang minamaneho nitong motorsiklo sa barikada ng ginagawang drainage sa national highway sa Brgy. Calaoa-an, Candon City ng lalawigang ito nitong Miyerkules ng hapon, Agosto 21.
Ang 19-anyos na biktima na isang binata ay residente ng Brgy. Baracbac, Tagudin, Ilocos Sur.
Minamaneho ng biktima ang kulay itim na Yamaha Sporty patungong hilagang direksyon nang biglang mawalan ito ng kontrol sa manibela ng sasakyan.
Dahil dito, sumemplang ang motor at saka sumadsad sa naturang barikada.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ang biktima na agad na isinugod sa Ilocos Sur Medical Center sa Brgy. Parioc 2nd, Candon City, Ilocos Sur ng mga rumespondeng PNP at BFP personnel.
Gayunman, ang biktima ay hindi na nagawang isalba pa ng umatending doktor. ROLANDO S. GAMOSO