Home NATIONWIDE Education sector, pinag-iingat vs pagkalat ng mpox virus: ‘Hugas-kamay ulit’

Education sector, pinag-iingat vs pagkalat ng mpox virus: ‘Hugas-kamay ulit’

MANILA, Philippines – Mariing hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang sektor ng edukasyon na mag-ingat nang husto laban sa kumakalat na mpox virus, isang uri ng sakit na nakukuha sa may sakit na hayop at naililipat sa tao.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education na dapat magpatupad ang lahat ng paaralan ng hakbangin upang maitaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng guro, kawani at mag-aaral.

Umabot na sa sampu ang kaso ng mpox na naitala ng Department of Health (DOH) noong Agosto 18 na kumpirmado may sakit simula noong 2023.

Base sa ulat DOH, ang pasyente ay 33-taong gulang na lalaking Filipino na walang travel history sa labas ng bansa.

Bagama’t mababa ang panganib na mahawa ang bata sa mpox ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng US, binigyang diin ni Gatchalian na dapat magpalaganap ang mga paaralan ng kaalaman at magsulong ng hakbangin upang itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng mag-aaral, guro, at kawani—kabilang ang regular na paghuhugas ng kamay at pag-disinfect sa silid-aralan at ibang espasyo.

“Patuloy nating dapat isulong ang mga hakbang upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan sa ating mga paaralan at sa buong bansa, lalo na’t ang unang kaso ng mpox ngayong taon ay napatunayang hindi lumabas ng bansa, at nangangahulugang nandito lang ang virus,” ani Gatchalian.

Matatandaang idineklara ng World Health Organization ang pagkalat ng mpox bilang Public Health Emergency of International Concern.

Ngunit ayon sa DOH, lahat ng mga dating kaso sa bansa ay na-isolate, natutukan, at gumaling na.

“Mpox is a rare disease caused by the mpox virus. This virus usually affects rodents, such as rats or mice, or nonhuman primates, such as monkeys. But it can occur in people,” ayon sa ulat ng WHO.

Nagsimula ang mpox sa Africa na kumalat dulot ng paglalakbay, inangkat na hayup at close contact sa may sakit na tao o hayop.

Kasabay nito, muling isinulong ni Gatchalian ang paglikha ng Philippine Center for Disease Prevention and Control Act sa ilalim ng Senate Bill No. 1869.

Layunin nito na itatag ang Philippine Center for Disease Prevention and Control na magsisilbing technical authority sa forecasting, pagsusuri, estratehiya, at pagbuo ng pamantayan upang mapigilan ang pagkalat ng anumang sakit. Ernie Reyes