MANILA, Philippines – PINAIINSPEKSYON ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang Kalayaan Island Group (KIG) para sa posibleng pagtatayo ng daungan at paliparan na layong mapalakas ang sektor ng turismo.
Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ang naturang kautusan, na layong palakasin ang turismo at makalikha ng mga bagong trabaho para sa mga lokal na residente.
“Sa ngayon po ay nakausap ko mismo si Sec. Vince, at inutusan po talaga sila ng Pangulo na puntahan ang Kalayaan Island Group at tingnan po kung ano ang kinakailangan. At sila po ay magmumungkahi na gumawa doon ng port at ng airway,” ani Castro.
Ipinahayag ang utos kasabay ng pagbubukas ng Kalayaan Municipal Tourism Office ng limitadong slots para sa siyam na araw at walong gabing tour packages ngayong Pebrero.
Kasama sa mga package tour ang round-trip transfer, accommodation, at araw-araw na pagkain, na bukas para sa domestic at foreign tourists, ngunit daraan muna sa masusing booking confirmation at istriktong pagsunod sa lokal na panuntunan sa pagbiyahe.
Matatagpuan sa West Philippine Sea at pinamamahalaan ng munisipalidad ng Kalayaan sa Palawan, ang island group ay pormal na binuksan para sa turismo noong Marso 2023 sa pamamagitan ng Great Kalayaan Expedition—isang linggong paglalayag na nagdala ng mga turista sa pangunahing isla gaya ng Lawak, Patag, Likas, at Pag-asa.
Mula noon, katuwang ng Department of Tourism (DOT) ang mga lokal na opisyal sa pagsasanay at pag-aayos ng mga pasilidad sa Pag-asa Island upang ihanda ang komunidad sa pagbisita ng mga turista, kasabay ng pagtitiyak sa pangangalaga ng kalikasan at mahigpit na pagpapatupad ng seguridad.
Binigyang-diin ng mga awtoridad na ang access sa lugar ay nananatiling kontrolado bilang pagsasaalang-alang sa seguridad at logistics. Ang mga interesadong turista ay kinakailangang makipag-ugnayan nang direkta sa lokal na pamahalaan ng Kalayaan. KRIS JOSE