Home OPINION KALAYAAN WALANG KAPALIT AT OWWA

KALAYAAN WALANG KAPALIT AT OWWA

WALANG pagsisidlan ng tuwa ng isang taong lumaya sa bilangguan.

Lalo na ang nabibilanggo na mga inosente at walang kasalanan.

O nabibilanggo sa gitna ng giyera ng iba’t ibang bansa at nadadamay lang.

Halimbawa ang mga overseas Filipino worker at marino na nabibilanggo dahil sa giyera sa gitnang silangan.

NAKAUWI NA ANG IBA

Isa nitong Pebrero at siyam nitong nagdaang araw ang nakauwi na sa Pilipinas mula sa oil tanker na St. Nikolas na nakadetine sa isang puerto sa Iran.

Hinuli ng Iran ang nasabing barko bilang ganti sa ginawa ng mga Amerikano na idetine ito at kunin ang langis na sakay nito mula sa Iran.

Suez Rajan ang ngalan ng barko nang harangin ito ng mga Amerikano at nang makuha ang karga nitong langis nitong nakaraang taon, muli ito pinabiyahe ngunit pinangalanan na ito bilang St. Nikolas.

Nabuking ito ng Iran at nang bumiyahe ito nitong Enero, tiniyempuhan na ito ng Iranian Navy, hinuli at kinuha rin ang laman nitong langis.

Todo reklamo ang mga Amerikano pero nanindigan ang Iran na patas lang ang laban.

Ngayon nga, nakalaya na ang 10 ngunit may naiiwan pang walo at sana’y palayain na rin sila ng Iran sa mga darating na araw.

11 DARATING NGAYON

Darating naman ngayon ang 11 marino na nakaligtas sa missile attack ng Houthi laban sa True Confidence.

Tinamaan ng missile ang nasabing barko nitong nakaraang linggo at nagliyab ang parteng fuel storage nito.

Dalawa rito ang namatay na marino at hanggang ngayon, wala pang balita ukol sa kanilang mga bangkay.

Tatlo ang grabeng nasugatan mula sa 15 Pinoy na crew at bahagi ng mga ito ang 11 uuwi.

Naiwan ang dalawang grabeng sugatan sa isang ospital sa bansang Dijbouti.

WALANG-WALA AT OWWA

Lahat ng mga mahal nating marino na biktima ng digmaan, walang-wala sa kanilang pagdating.

Wala silang ibang dala kundi kasiyahan lamang na nakaligtas sila sa bilangguan at kamatayan.

Kahit bahagi sila ng mga bayaning ating itinatanghal at sa katunayan, nakapakalaki ang kontribusyon nila sa pag-unlad ng ating pambansang ekonomiya.

Dahil sa kanilang kalagayan, maraming nanganganib sa kanila, lalo na ukol sa kanilang mga pamilya: gutom ng mga pamilya, pag-aaral ng mga bata, hulugang bahay, pagpapagamot ng mga maysakit, problema sa mga bayarin sa tubig at kuryente at iba pa.

Dito tuloy naalaala ng ULTIMATIM ang Overseas Workers Welfare Administration na ngayo’y nasa ilalim ni Administrator Arnaldo Arevalo “Arnell” Ignacio.

Dahil sa rami ng mga inaayudahan ng OWWA, nasasaid ang pondo ng OWWA, kahit pa sa panahon ni Pangulong Digong Duterte.

Pero sadyang mapagmahal sa mga OFW at sa serbisyo publiko si Sir Arnel at hindi nito hinahayaang walang maiaabot ang OWWA sa mga nagigipit na OFW sa oras ng labis na pangangailangan.

Alam ba ninyong halos mamamalimos si Sir Arnel sa mga mambabatas para sa mga OFW at kahit papaano, hindi naman siya pinahihindian ng maraming mapagmalasakit na mambabatas sa Kongreso.

Saludo sa inyong mga marinong OFW, kay
Administrator Ignacio at mga mambabatas na nagmamalasakit sa mga marinong OFW.

Previous articleLotto Draw Result as of | March 11, 2024
Next articleLotto bettors bokya sa P130M combined jackpot