MANILA, Philippines- “Pumanatag kayo, ibabalik ko po uli sa inyo ang kapanatagan ng pamumuhay sa lungsod tulad ng dati.”
Ito ang pagtitiyak ni dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso makaraang magsilbi itong panauhin sa ginanap na “Meet the Manila Press” forum kasama ang kanyang katambal na si Chi Atienza.
Ayon kay Domagoso, kung muling papalarin, uunahin umano nitong pagtuunan ng pansin ang paglilinis at pagpapatupad ng “peace and order” sa buong Lungsod ng Maynila.
Aniya, sa kanyang pag-iikot sa lungsod, ang laging daing sa kanya ng mga tao ay ang napakaruming kapaligiran at ang pagbabalik umano ng mga holdaper at snatcher.
“Ibabalik natin ang kalinisan, katiwasayan, at kaayusan sa Maynila, hindi lang ang mga kadugyutan kundi pati ang mga holdaper at snatcher, lilimasin ko ang mga iyan,” pahayag ni Yorme, na minsan na ring naging basurero sa kanyang kabataan.
Magugunita na tumanggap ng mga parangal at pagkilala ang dating alkalde sa iba’t-ibang mga kilalang grupo at organisasyon dahil sa maayos niyang pamamahala at sa kanyang hangaring makapanirahan ang mga tao sa lungsod ng payapa, tahimik ang walang alalahanin.
“Ibabalik ko po uli sa inyo ang kapanatagan ng pamumuhay sa lungsod, tulad nang dati na habang kayo ay natutulog, kasagsagan nang hating gabi, panatag na panatag kayo, mahimbing na nagpapahinga. May gobyerno pa sa lungsod ng Maynila,” ani Domagoso.
Sa kanyang panunungkulan, nakilala ang dating alkalde sa mabilis niyang aksion sa pagpapaunlad ng kabuhayan at pagpapaganda ng kapaligiran, paglalagay sa ayos ng mga sidewalk vendors upang muling magamit ng mga pedestrians ang bangketa, at pagtiyak sa mas episyenteng pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan. JR Reyes