MANILA, Philippines – Pansamantalang isasara ang mga kalsada sa paligid ng Manila North Cemetery upang bigyang daan ang paggunita ng Undas 2025.
Ayon sa Manila Police District (MPD) mula alas-10:00 ng gabi ng October 30 hanggang alas-7:00 ng gabi ng November 3 ang nasabing temporary road closure.
Partikular na isasara ang kahabaang ng Blumentritt St. mula A. Bonifacio patungong Aurora Blvd.; Dimasalang mula Retiro St. papuntang Calavite St. at Maceda mula Makiling St. hanggang Dimasalang St.
Maging ang Southbound Lane ng Dimasalang Bridge ay isasara rin gayundin ang Aurora Blvd. mula Felix Huertas Road hanggang Matandang Sora o sa Chinese Cemetery South Gate.
Ang mga sasakyan naman ay maaaring pumarada sa bahagi ng P. Guevarra St. mula Blumentritt Road hanggang Aurora Blvd.; maari rin sa F Huertas St. mula Blumentritt Rd. patungong Aurora Blvd.at Oroquieta St. mula Blumentritt Rd. papunta Aurora Blvd.
Pinapayuhan ang ibang motorista na dumaan muna sa mga alternatibong ruta upang hindi maaabala sa pagbiyahe. Jocelyn Tabangcura-Domenden