MANILA, Philippines- Itinuturing pa rin ng mayorya ng mga Pilipino ang kalusugan at inflation bilang kanilang top concerns, ayon sa bagong survey results na ipinalabas ng OCTA Research.
Batay ito sa resulta ng 4th Quarter 2024 Tugon ng Masa (TNM) nationwide survey na ipinalabas ng OCTA Research nitong Linggo.
Ayon sa survey, 56% ng adult Filipinos ang nagsabing itinuturing ang pagkontrol sa presyo ng mga pangunahing bilihin bilang top national concern.
“This is a significant drop of 10 percentage points from the 66% registered during the 3rd Quarter of 2024,” pahayag ng OCTA.
Kasunod ng inflation, 44% ng mga Pilipino ang nababahala sa access sa abot-kayang pagkain, pagpapataas ng sahod (36%), paglaban sa kahirapan (34%) at paglikha ng mga trabaho (29%).
Samantala, para sa national concerns, sinabi ng OCTA na 56% ng adult Filipinos ang naniniwalang ang pagkontrol sa taas-presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo ang kanilang pangunahing alalahanin.
Isinagawa ang survey fieldwork sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula November 10 hanggang 16, 2024. May kabuuang 1,200 male at female respondents edad 18 pataas ang kinapanayam sa pag-aaral. RNT/SA