Home NATIONWIDE Kamara ‘multi-tasking’: Pagtalakay sa budget, imbestigasyon sa mga isyu pagsasabayin

Kamara ‘multi-tasking’: Pagtalakay sa budget, imbestigasyon sa mga isyu pagsasabayin

111
0

MANILA, Philippines- Itutuloy ng mga komite ng House of Representatives ang isinasagawa nitong House inquiry sa mga mahahalagang isyu kasabay ng gagawing deliberasyon sa 2025 proposed national budget.

Sa isang press conference, sinabi ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe na hindi ihihinto ang mga mahahalagang imbestigasyon ng Kamara kahit magsimula na ang pagtalakay sa P6.352 trilyong budget.

Ilan sa mga tinatalakay ng mga komite ay ng usapin sa extra judicial killings (EJK) sa war on drugs campaign ng Duterte administration, human rights violation at mga krimen na iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

“Hinihingi po ng ating mga committee chairmen na payagan po sila na ipagpatuloy iyong mga committee hearings” ani Dalipe.

“Dati po iyong problema natin iyong committee hearing rooms. Parati po tayong nauubusan ng committee hearing rooms pero thank you, this year we have new spaces for committee hearings,” dagdag pa ng mambabatas.

Aniya, sa direktiba ni House Speaker Martin Romualdez ay naglaan ng karagdagang lugar, partikular sa bagong gusali sa Batasang Pambansa Complex, para magamit ng mga komite sa kanilang mga pagdinig.

Sa ganitong paraan, ayon kay Dalipe ,ay maaaring maisagawa nang sabay ang budget deliberation at imbestigasyon ng komite.

Tiwala si Dalipe na magagampanan nang maayos ng Kamara ang pagsusuri ng budget at iba pang mga tungkulin sa lehislatura sa kabila ng pagkakabahagi ng atensyon.

“I don’t see the challenge because if you observe during the Committee on Appropriations hearing, sa sobrang haba ng listahan, may mga congressman naghihintay ng tatlong oras, nakaupo lang walang ginagawa. So, it’s a matter of time management,” ani Dalipe.

Giit nito, kinakailangan lamang ng pagkakaroon ng mahusay na pamamahala sa oras para hindi masayang ang panahon ng mga kongresista na makapapasok sa iba pang mga pagdinig ng komite at makapag-aambag sa mga imbestigasyon habang naghihintay ng kanilang pagkakataon na matawag sa pagtalakay sa badyet.

“Instead of sitting there ng three hours na magrereklamo siya, naghihintay siya sa sobrang dami ng mga congressman na gustong magtanong, eh we can also do other work with other committees and spend those time by hearing the other measures especially iyong mga investigation and they can just shuttle back and forth between the committee rooms,” paliwanag pa ni Dalipe.

Sa pamamagitan nito, sinabi ni Dalipe na maaabot ng Kamara ang itinakdang deadline para maipasa ang iba’t ibang panukala ng hindi nakokompromiso ang pagpasa ng taunang budget. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here