MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes na pinaalalahanan nito ang mga doktor sa mga protocol para sa poison management para sa mga pasyente na malalantad sa pagtagas na nagmumula sa tatlong magkakaibang sasakyang-pandagat sa Bataan.
Sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na mula noong nakaraang linggo, nang lumubog ang unang barko, ang MTRK Terranova, sa Limay, Bataan, iniutos na ni Health Secretary Ted Herbosa na simulan ang pag-refresh ng mga protocol sa kalusugan sa pamamahala ng lason.
Paalala ni Domingo sa mga doktor, maaaring tumawag kapag may natanggap na pasyente at sila ay kakausapin ng isang toxicologist—espesyalista sa lason para masabi kung ano ang kailangang ibigay.
Pinayuhan din ni Domingo ang mga indibidwal na malalantad sa oil spill na maaaring tumawag sa DOH hotline sa 1555.
Samantala, para sa mga komplikadong kaso na nangangailangan ng referral sa mga espesyalista ay maaaring itawag sa mga sumusunod:
East Avenue Medical Center Poison Control
Mobile: 0923-2711183
Landline: (02) 8928 0611 loc 707
PGH National Poison Management and Control Center
Mobile: 0966-7189904
Landline: (02) 8524 1078
Nauna nang nagbabala ang DOH sa publiko laban sa epekto sa kalusugan ng oil spill sa tao, maaaring ito ay sa pamamagitan ng paglanghap, physical contact, o paglunok. Bukod sa MT Terranova, dalawang iba pang sasakyang-pandagat– MTKR Jason Bradley at MV Mirola– ang napag-alamang may mga tagas sa karagatan ng Mariveles, Bataan. Jocelyn Tabangcura-Domenden