MANILA, Philippines- Walang magagawa ang gobyerno ng Pilipinas kung kikilos ang International Criminal Police Organization (Interpol) para isilbi ang arrest warrants na iiisyu ng International Criminal Court (ICC) laban sa mga nasa likod ng umano’y mga pagpatay noong panahon ng anti drug campaign ng Duterte administration.
Nilinaw ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na kahit hindi miyembro ng ICC ang Pilipinas ay miyembro naman ang Pilinas ng Interpol.
Ang warrant of arrest na inilalabas ng ICC ay karaniwang ibinibigay sa Interpol para ipatupad.
Katunayan, mayroong local interpol sa Pilipinas na regular na nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Hindi rin daw maaaring pigilan ng pamahalaan ang local interpol sakaling isilbi ang warrant of arrest ng ICC laban sa mga akusado ng madugong drug war.
“Pag nag-issue ng warrants of arrest, it’s the Interpol’s job to serve them,” ani Remulla.
Ito ay kahit umatras na ang Pilipinas bilang signatory sa Rome Statute kung saan itinatag ang ICC.
“We are not in the business of blocking any movement of the Interpol, unless a policy is laid out, which of course will go against our international commitments.”
Posible aniyang may epekto sa Pilipinas kung haharangin nito ang ilalabas na arrest warrant ng ICC. Teresa Tavares