MANILA, Philippines- Nasa 33 empleyado ng sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs sa Bamban, Tarlac at Pasay City ang itinapon na pabalik ng Tsina, araw ng Huwebes.
Ang mga manggagawa na idineport pabalik ng Tsina ay mula sa Smart Web Technology sa Pasay City, kung saan natuklasan ang torture chamber matapos itong salakayin noong 2023, at mula sa Zun Yuan Technology sa Bamban.
Isa rin sa katwiran kaya’t idineport ang mga naturang manggagawa ay dahil sa pagiging ‘undesirable aliens’ bunsod ng kakulangan ng permits at visas.
Mahaharap din ang mga ito sa reklamong pakikipag-ugnayan sa illegal gambling sa Tsina.
“Technically kasi lahat ng mga yan will be treated as criminal suspects in China. So they will all be charged criminally in China,” ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio.
Samantala, sinabi naman ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz na maraming biktima ng POGO workers ang nasa Tsina.
“Maraming biktima. And yung coordination na ginagawa natin with the Chinese authorities, nakikita natin yung mga biktima sa kanila, sa China, and then yung scamming hub o yung mga scammers dito nang gagaling sa atin,” anang opisyal.
Dahil dito, sinabi ni Casio, lahat ng POGO workers ay iba-blacklist.
Gayunman, inihayag nito na iyong mga boluntaryong aalis ng bansa bitbit ang kanilang mga papeles ay hindi iba-blacklist ng gobyerno.
“Pero even if they leave voluntarily, if their papers are not in proper order then they will still be blacklisted,” giit niya.
Kabilang sa mga idineport ay isang mag-asawa kasama ang kanilang dalawang taong gulang na anak, na isinilang sa Pilipinas.
Gayunman, sinabi ng PAOCC na ang nasyonalidad ng bata ay nananatiling Chinese dahil ang mga magulang ng bata ay Chinese.
Matatandaang sa pangatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ipinagbawal na nito ang lahat ng POGOs sa bansa bago pa matapos ang taon. Kris Jose