Home NATIONWIDE PH walang flood control master plan, pero gumastos ng P1T vs baha

PH walang flood control master plan, pero gumastos ng P1T vs baha

Larawan kuha ni Cesar Morales

MANILA, Philippines- Inamin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na walang ipinatutupad ng flood control master plan ang Pilipinas pero gumastos ang gobyerno na mahigit P1 trilyon sa nakalipas na mahigit isang dekada.

Sa pagdinig ng Senado hinggil sa pagbaha sa Kamaynilaan at karatig-bayan tulad ng Rizal at Bulacan, sinabi ni DPWH Secretary Manny Bonoan na tanging “immediate relief projects” ang binanggit na 5,500 flood control projects sa State of the Nation Address (SONA) na sinimulan sa panahon ng dating administrasyong Duterte at naantala sanhi ng COVID-19 pandemic.

Aniya, hindi ito bahagi ng integrated master plan.

“Ito yung immediate projects engineering interventions all over the country na di ho kasama sa master plan. Ito yung standalone projects to provide immediate relief to low lying areas,” ayon kay Bonoan.

Sa puntong ito, sinabi ni Sen. Joel Villanueva, “Yung 5,500 pala na programs projects na natapos na ipinagmalaki ng ating pangulo ay patsi-pasti lang. Di rin nakatulong kasi patsi-patsi nga po.”

Ayon kay Bonoan, inihahanda ang ilang master plans sa 18 major river basins sa buong bansa.

“I have taken a look on all these river basins and most of them…are still being currently updated to take into account actually the climate change phenomenon and other factors,” wika ng opisyal.

Sinabi pa ni Bonoan na mayroong “master plans” noon na ipinatutupad pero binabago ang disenyo sa ngayon.

“To some extent, that’s correct. But what I’m saying is actually there have been master plans before that were carried out… They’re just being updated at this point in time,” wika ng opisyal.

“I think it’s very telling that the master plan, the integrated master plan, is not in existence,” giit naman ni Villanueva.

“Kung ‘dipo integrated, kung gagawin mo yun sa isang lugar yung kabilang side naman, yung kabilang probinsiya, kabilang town, kabilang barangay yun naman ang babahain,” dagdag niya.

Sinabi ni Bonoan na mayroong 421 principal rivers sa buong bansa, at 18 dito ang major rivers na mayroong river basins.

“We have continued to expand on the projects initiated in the previous administration… This is a commitment for the continuity and ensures ongoing projects are completed efficiently and effectively thereby enhancing the flood management capabilities throughout the country,” pahayag niya.

Binanggit din ng opisyal na magsisimula nang gawin ang flood control projects sa Bulacan at Pampanga sa taong ito, na kasalukuyang inihahanda na.

“The process of doing the detail and design for this type of megaprojects takes time because we have to go on ground,” ayon sa DPWH chief .

Kaugnay nito, inihayag din ni Bonoan na umabot na sa mahigit P1 trilyon ang nagastos sa nakalipas na dekada para sa flood control projects.

Pinaimbestigahan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa Senate committee on public works ang pondong nagamit ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon sa flood control project matapos lumubog sa baha ang buong Metro Manila, Rizal at Bulacan sanhi ng bagyong Carina kasama ang Habagat.

Natuklasan sa pagdinig na tumataas ang halaga ng pondong inilalaan ng pamahalaan sa flood control projects taon-taon simula noong panahon ni Duterte.

Noong 2015, umabot lamang sa P42 bilyon ang nagastos ng administrasyon ni yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. Pero, lumobo ito sa P244. 57 bilyon sa 2024 budget.

Dahil dito, sinabi ni Senador Nancy Binay na nabigo ang trilyong halaga ng flood control projects na mapaayos at mapahusay ang kaligtasan ng bawat komunidad sa bansa.

“It is deeply concerning that despite the significant funds allocated to DPWH and MMDA, our flood management systems remain inadequate,” aniya.

Kinuwestiyon din ni Sen. Joel Villanueva kung kasama ang binanggit na flood control projects ng Palasyo sa nilikhang master plan.

“For the first time naranasan ng Senado na halos hanggang bewang yung baha dito ho sa labas namin and lahat ho kami nagtataka kasi parang first time ito ang laki ang taas ng tubig. And then you look at outside the Senate, wala na yung Manila Bay – Manila Sands na,” ayon kay Villanueva.

Natuklasan sa pagdinig na hindi gumagana ang maraming pumping station sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kaya hindi kaagad humupa ang baha sa malaking bahagi ng National Capital Region.

“Hindi ho ba common sense para sa amin dahil hindi naman po kami eksperto na sabihing may kinalaman yung reclamation dahil wala nang lusutan yung tubig,” ayon kay Villanueva. Ernie Reyes