Home NATIONWIDE PCG: Siphoning ops sa MT Terra Nova aarangkada sa loob ng 2...

PCG: Siphoning ops sa MT Terra Nova aarangkada sa loob ng 2 linggo

MANILA, Philippines- Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na gumagawa na ito ng aksyon upang bigyan-daan ang siphoning operations sa lumubog na MT Terra Nova na nagdulot ng matinding oil spill sa baybayin ng Limay, Bataan.

Sinabi ng PCG na naselyuhan na lahat ng balbula at ang high-level alarm pipes ng barko habang nakaposisyon naman ang barge at tanker sa baybayin.

Gayunman, kailangan pa ring palitan ng mga awtoridad ang capping bags ng mas matibay na metal caps na tatagal kapag masama ang panahon at siphoning operations.

Ayon sa PCG, aabutin ng isang linggo para gawin ang metal capping at pitong araw pa para makabit ito.

Kabilang sa mga hakbang na ginagawa ng PCG sa pagkontrol sa oil spill ay ang paglalatag ng oil spill boom, mga oil dispersant na kinuha kung kinakailangan at skimmers na nasa site.

Lulan ng tanker ang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil nang lumubog ito dahil sa sama ng panahon noong nakaraang lingo kung saan isang crew ang nasawi.

Pinangangambahan na umabot ang oil spill sa Bulacan, Cavite at Metro Manila. Jocelyn Tabangcura-Domenden