MANILA, Philippines — Nagbigay-pugay ang House of Representatives nitong Lunes, Setyembre 21, kay yumaong Quirino Governor at dating kongresista Dakila Carlo “Dax” Cua sa isinagawang necrological service sa plenary hall.
Sa kanyang eulogy, inilarawan ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III si Cua bilang isang dedikadong public servant at tagapagtaguyod ng local governance na inuuna ang kapakanan ng Quirino at mga residente nito.
Kabilang din sa nagbigay ng eulogy sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, dating House Speakers Feliciano Belmonte Jr. at Pantaleon Alvarez, Sen. JV Ejercito, Majority Leader Sandro Marcos at iba pang opisyal at kaibigan ni Cua.
Pumanaw si Cua noong Setyembre 15 sa edad na 48.
Nagsilbi siyang kinatawan ng lone district ng Quirino mula 15th hanggang 17th Congress bago bumalik bilang gobernador ng lalawigan noong 2019.
Sa kanyang panunungkulan sa Kamara, naging chairman si Cua ng Committees on Ecology at Ways and Means at naging principal author ng Free Internet Access in Public Places Act at Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act.
Nagsilbi rin siyang presidente ng Union of Local Authorities of the Philippines, chairman ng League of Provinces of the Philippines at presidente ng United Cities and Local Governments Asia-Pacific. RNT