Manila, Philippines – Nagpatupad ngayon ng “lockdown” sa Batasan complex upang maingatan ang seguridad kasunod ng pananatili ni Vice President Sara Duterte sa opisina ng kaniyang kapatid na si Davao Rep. Paolo Duterte.
Nagpalipas ng gabi sa Batasan ang pangalawang pangulo nang dalawin ang kaniyang Chief of Staff na nakadetine na si Zuleika Lopez dahil sa “undue interference” matapos itong ma-cite in contempt.
Ayon sa ulat, sinabi ni VP Sara na siya ay posibleng manatili sa tanggapan ni Rep. Duterte hanggang Lunes upang suportahan si Lopez.
Subalit, kinondena ito ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa pagsasabing binalewala na ng pangalawang pangulo ang mga alituntunin at protocols na ipinatutupad sa Kamara.
“Para sa akin lang, kasi opisyal tayo, dapat careful tayo sa ating mga aksyon. Dapat ito ay tinitignan natin kasi it will show our character, nagre-reflect ‘yung character natin sa ating mga aksyon,” giit ni Chua sa isang emergency press conference na ipinatawag sa Kamara.
Pinakiusapan din ng kongresista ang pangalawang pangulo na unawain ang mga ipinatutupad na tuntunin dahil apektado aniya ang mga empleado ng Kamara kung may mangyayaring masama sa seguridad nito sa pagsasabing, “respect begets respect.”
Ipinaliwanag ni Chua sa press conference kasama si House Sergeant-at-Arms retired Police Maj. Gen. Napoleon Taas ang detalye ng pananatili ni VP Sara sa tanggapan ng kaniyang kapatid.
Nagsimula anila ang security breach noong Huwebes ng hapon nang biglang dumating sa Batasan ang advance party ni VP Sara ng mga alas 2:00 ng hapon kung saan pinayagan naman siyang pumasok upang dalawin si Lopez hanggang 7:45 kagabi.
“At about 10 o’clock, the Vice President together with Usec. Lopez actually prepared to leave the premises of the Visitor’s Center, as we have requested,” Taas recounted. “The Vice President, at about 10:05, also rode her convoy… we assumed she would exit the House of Representatives.”
Ngunit sa halip aniyang lumabas ng Batasan ay nagtungo si VP Sara sa opisina ni Rep. Paolo Duterte at doon nagpalipas ng gabi kahit pinakiusapan na ito ng HOuse officials kabilang si Taa na isang paglabag sa House rules.
“By 11:30 p.m., I personally appealed to the protocol and security of the Vice President at Room 304 if they could possibly leave the premises, as there’s always a practice during long weekends that we turn off power in all our buildings,” ayon kay Taas.
“So ulitin ko ang pakiusap ko na ang ating mga empleyado dito kasama na dito ang ating Sergeant-at-Arms ay ginagawa lang po nila ang kanilang tungkulin at trabaho. Sana po sumunod po tayo sa mga patakaran dahil ito po ay pagpapakita lamang ng respeto sa institusyon,” paliwanag naman ni Chua.
Sa ngayon ay wala munang pinapayagan na pumasok sa Batasan habang pinakikiusapan pa ang pangalawang pangulo na lisanin ang compound. (Meliza Maluntag)