MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Sherwin Gatchalian sa Senado na maglaan ng P79 milyon para sa scholarship program ng child development workers (CDWs) na high school ang natapos sa pag-aaral.
Sa kanyang interpellation sa panukalang pondo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), binigyang diin ni Gatchalian na high school lamang ang natapos ng 11,414 sa 68,080 CDWs sa bansa.
Upang tugunan ito, gustong maglaan si Gatchalian ng P79 milyong pondo para sa tuition at iba pang school fees, tulong pinansyal, book allowance, certification at assessment para sa isang National Certificate (NC) III course sa early childhood education.
Sasaklawin ng naturang pondo ang upskilling at reskilling ng 2,854 CDWs.
“Hangga’t maaari, gusto nating isulong ang professionalization at upskilling ng ating mga CDWs. Nagpapasalamat ako sa TESDA dahil naglunsad sila ng national certification para sa ating mga child development workers. Kaya naman isinusulong natin ang paglalaan ng P79 milyon para sa scholarships ng ating mga child development workers upang masimulan natin ang kanilang professionalization,” ani Gatchalian, Co-Chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) at Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Isinusulong din ni Gatchalian ang upskilling ng mga CDWs sa ilalim ng Basic Education and Early Childhood Care and Development Alignment Act (Senate Bill No. 2575) na layong maabot ang universal access sa early childhood education.
Sa ilalim ng naturang panukala, oobligahin ang mga kasalukuyang CDWs na sumailalim sa upskilling at reskilling training programs sa early childhood education o early childhood care and development (ECCD).
Kailangan ding makapasa ang mga CDWs na ito sa certification mula sa TESDA. Magiging libre naman para sa mga CDWs ang naturang assessment.
Kapag naisabatas na ang naturang panukala, tinataya ng tanggapan ng senador na kakailanganin ng bansa ang karagdagang 161,143 CDWs upang suportahan ang 4.6 milyong batang tatlo hanggang apat na taong gulang. Ernie Reyes