MANILA, Philippines – Kinakailangan nang maglaan ng 60 oras na pro bono legal service ang mga abogado sa kada tatlong taon para sa mga mahihirap na Pilipino.
Ito ay matapos aprubahan ng Supreme Court (SC) ang Rules on Unified Legal Aid Service (ULAS).
Sa ilalim ng ULAS, ang mga maralita na walang kapasidad na makakuha ng abugado ang maaring pagkalooban ng libreng legal aid service.
Maraming paraan ang pagkakaloob ng libreng legal aid services gaya ng pagiging kinatawan ng abogado sa korte, legal counseling, pagbalangkas ng legal documents, developmental legal assistance at paglahok sa mga accredited legal outreach programs.
Sa ilalim ng ULAS Rules, sinumang indibidual na walang kakayahan na kumuha ng abugado ay maaring maging beneficiary batay sa guidelines na ilalabas ng ULAS Board.
Nabatid na ang mga magiging gastusin sa free legal service ay mangagaling sa pondo mismo ng ULAS.
“The ULAS Rules is a product of extensive deliberations and studies made over the course of more than a year by the ULAS Rules Technical Working Group (TWG). In drafting the same, the TWG solicited the invaluable inputs of the Court En Banc, as well as the ULAS Rules’ stakeholders—its covered lawyers.”
Hindi naman pasok sa ULAS Rules ang mga abugado na bawal mag private practice gaya ng mga kawani ng hudikatura, Office of the Solicitor General, at mga government prosecutors ng Department of Justice maging mga abugado mula sa Public Attorney’s Office at Shari’ah Public Assistance Office.
Exempted din sa ULAS rules ang mga abugado na 35 taon na sa serbisyo, 60 years old pataas at ang mga may sakit.
Magiging epektibo ang ULAS Rules sa February 3, 2025. Teresa Tavares