MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pakikisimpatya ang Kamara sa mga biktima ng Bagyong Tino.
Kasabay nito ay siniguro ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang publiko na handa ang mga mambabatas na magpaabot ng tulong.
Sa pahayag nitong Miyerkules, Nobyembre 5, sinabi ni Dy na ang buong Kamara ay nakikidalamhati sa mga biktima ng bagyo lalo na sa Visayas, Mindanao at ilang bahagi ng southern Luzon.
Umabot na sa 52 ang bilang ng mga nasawi sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council.
“Nakikiramay ang Kapulungan ng mga Kinatawan sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng Bagyong Tino, lalo na sa malaking bahagi ng Visayas, at ilang lugar sa Mindanao at Southern Luzon na sinalanta ng malakas na ulan at hangin. Kasama ninyo kami sa pagdarasal para sa inyong kaligtasan at mabilis na pagbangon,” ani Dy.
“Nananatiling handa ang Kapulungan bilang institusyon na maglaan ng kaukulang pondo at suportahan ang mga programang magpapabilis sa rehabilitasyon, pagbangon ng kabuhayan, at pagpapanumbalik ng mga nasirang pasilidad,” dagdag pa ng Speaker.
Ayon kay Dy, makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan ang mga mambabatas na nagrerepresenta ng kanilang mga nasasakupan para sa pagpapadali ng paghahatid ng tulong. RNT/JGC