MANILA, Philippines – Pinalalakas ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang kampanya nito kontra dengue sa mga paaralan kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso sa buong lungsod. Ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD), umabot na sa 2,555 ang kabuuang bilang ng kaso ng dengue hanggang Pebrero 24, 2025 — 261.90% na mas mataas kumpara sa kaparehong panahon noong 2024.
Sa bilang na ito, halos kalahati o 1,147 na kaso ay pawang mga batang may edad 10 pababa, na itinuturing na pinaka-apektadong grupo. Labing-isa na rin ang naitalang nasawi mula sa sakit ngayong taon.
Bilang tugon, nagsasagawa ang Quezon City Health Department ng mga forum sa iba’t ibang distrito na layuning ipaalam ang kahalagahan ng maagang pag-detect ng sintomas, tamang kalinisan, at sama-samang aksyon upang wakasan ang mga pinamumugaran ng lamok. Ilang paaralan tulad ng Mines Elementary School, Esteban Abada Elementary School, Siena College, Masambong High School, at Judge Juan Luna High School sa District 1, pati na rin ang ilang paaralan sa Districts 3, 5, at 6, ang nabisita na.
Tinuturuan ang mga magulang at estudyante ng search-and-destroy method upang alisin ang mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok at hinihikayat na magpa-test sa dengue kung may nararamdamang sintomas.
Pinalalakas din ng lungsod ang mga clean-up drive at regular na pagsusuri para sa dengue, kasabay ng pagpapalaganap ng “5S” strategy: Search and destroy mosquito-breeding sites, Self-protection measures, Seek early consultation, Support fogging/spraying sa hotspot areas, at Sustain hydration.
Isinusulong din ang “4 O’Clock Habit” na nag-uudyok sa mga residente na linisin ang kanilang paligid araw-araw upang mapuksa ang posibleng pamugaran ng lamok.
Hinihikayat ang mga residente na makaranas ng mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng kasu-kasuan, o pantal na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health center at tumawag sa QCESD Hotline: 8703-2759, 0962-274-7107, o 8988-4242 local 1609. Santi Celario