MANILA, Philippines – Isang pawnshop sa Davao City ang pinagnakawan noong Miyerkules ng umaga, Pebrero 26, kung saan tinangay ng mga suspek ang alahas na nagkakahalaga ng P40 milyon.
Ayon sa ulat ng pulisya, tatlong armadong lalaki ang sumalakay sa Hannah’s Pawnshop and Jewelry na matatagpuan sa Ilustre Street. Agad nilang dineklara ang holdup habang may dalang baril at mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo matapos ang ilang minuto.
Sa agarang hot-pursuit operation, nahuli ang isa sa mga suspek na kinilalang si Jonny Bulawan, residente ng Albuera, Leyte. Naaresto siya sa isang pampublikong pamilihan matapos magkaroon ng aberya ang kanilang ginamit na motorsiklo. Samantala, nakatakas ang dalawa niyang kasamahan.
Narekober mula kay Bulawan ang isang M-16 rifle, 9mm pistol, mga bala, ang kanilang motorsiklo, at ang mga ninakaw na alahas.
Pinuri ni Davao City police chief Colonel Hansel Marantan ang San Pedro Police Station, sa pangunguna ni Police Major Emmanuel Manlatican, dahil sa kanilang mabilis at maagap na aksyon na nagresulta sa pagkakahuli ng suspek at pagbawi ng mga mamahaling alahas at mapanganib na armas.
Patuloy na isinasagawa ang follow-up investigation at manhunt operations upang mahuli ang mga kasabwat ni Bulawan. RNT