Home NATIONWIDE Kampanya vs dengue ilulunsad ng DOH sa buong bansa

Kampanya vs dengue ilulunsad ng DOH sa buong bansa

NAG-SPRAY ng mosquito repellant ang isang lalaking ito sa bawat sulok ng kanyang tahanan matapos na opisyal na ideklara ng Quezon City Government ang dengue outbreak, habang ang kaso ay patuloy na tumataas. DANNY QUERUBIN

MANILA, Philippines – Nakatakdang ilunsad ng Department of Health (DOH) ang “Alas Kwatro, Kontra Mosquito!” campaign sa Pebrero 24, 2025, bilang bahagi ng pinaigting nitong pagsusumikap sa pagpigil at pagkontrol ng dengue sa lahat ng tanggapan ng gobyerno sa buong bansa.

Sa isang Facebook announcement, kinumpirma ng DOH na ang opisyal na kick-off event, na pinamagatang ‘Nationwide Search and Destroy Mosquito Breeding Sites Campaign,’ ay magaganap alas-4 ng hapon.

Hinimok ng DOH ang publiko na makiisa partikular sa sumsuunod na mga pangunahing lugar:

Barangay Batasan Hills, Quezon City

Barangay Bolong Oeste, Sta. Barbara, Iloilo

Municipality of San Dionisio, Iloilo

Barangay 1, San Jose, Antique

Various municipalities sa Guimaras

Barangay Tondog, Aklan

Municipality of Josefina, Zamboanga del Sur

Oroquieta City, Misamis Occidental

El Salvador City, Misamis Oriental

Iligan City, Lanao del Norte

Municipality of Norala, South Cotabato

Municipality of Banga, South Cotabato

Municipality of Surallah, South Cotabato

Municipality of Lebak, Sultan Kudarat

Municipality of Columbio, Sultan Kudarat

General Santos City

Sinabi ng DOH na madaragdagan pa ang lokasyon para mapalawak ang abot ng dengue prevention program.

Sa isang memorandum, nagpaabot din ang ahensya ng imbitasyon sa lahat ng helath development centers at sa Minister of Health ng bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na makibahagi sa insiyatiba.

Ito ay kasunod ng pagdedeklara ng outbreak sa dengue ng Quezon City kamakailan kasunod ng matinding pagtaas ng mga kaso at hindi bababa sa 10 ang naiulat na pagkamatay ngayong taon.

Bukod pa rito, nagbabala ang DOH na walong iba pang lugar sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon ang maaari ring magdeklara ng dengue outbreak sa lalong madaling panahon dahil sa tumataas na bilang ng mga kaso.

Ayon sa pinakahuling datos, nakapagtala ang bansa ng 28,234 na kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Pebrero 1, na tumataas ng 40% na pagtaas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Gamit ang kampanya na “Alas Kwatro, Kontra Mosquito!,” umaasa ang DOH na magtulong-tulong ang mga komunidad at mga tanggapan ng gobyerno sa sama-samang pagsisikap na pigilan ang pagkalat ng dengue at protektahan ang kalusugan ng publiko. Jocelyn Tabangcura-Domenden