MANILA, Philippines – Itinuturo ng kampo ng gambling icon Charlie ‘Atong” Ang na si Julie Patidongan ang pasimuno at nasa likod ng aregluhan sa mga kaanak ng mga nawawalang sabungeros.
Sa kauna-unahang preliminary investigation sa Department of Justice ngayong araw, mariing itinanggi ni Atty. Gabriel Villareal na mayroong kinalaman ang kanyang kliyente sa naarestong mag-asawa na sinuhulan ang kaanak ng isa sa mga nawawalang sabungero.
Sinabi ni Atty. Gabriel na ikinagulat at ipinagtataka nila kung bakit itinuturo si Ang na nasa likod ng panunuhol para i-atras ang kaso laban sa kanya.
Giit niya’y hindi naman raw akusado sa naturang kaso na nais ipa-recant ang kanyang kliyente kundi iba.
Dito niya itinuro na ang may motibo umano sa nabistong aregluhan ay ang lumantad na testigong si alyas ‘Totoy’ o Julie Dondon Patidongan.
Naniniwala ang abogado na si Patidongan ang nasa likod ng panunuhol sapagkat siya raw ang akusado at layon lamang nito maaprubahan ang hiling na makapagpyansa at aplikasyon para maging ‘state witness’. Jocelyn Tabangcura-Domenden