Home NATIONWIDE Kampo ni Cunanan nagpaliwanag sa ‘di pagsipot sa POGO probe

Kampo ni Cunanan nagpaliwanag sa ‘di pagsipot sa POGO probe

MANILA, Philippines- Hindi dumalo si Dennis Cunanan sa pinakabagong Senate hearing sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) dahil hindi umano nito natanggap ang subpoena, ayon sa kanyang abogado nitong Huwebes.

Walang kamalay-malay si Cunanan sa pagdinig ng Senado nitong Miyerkules, at nalaman lamang ito nang nagaganap na, base sa kanyang abogadong si Iryl Boco. 

“Mr. Cunanan did not receive the subpoena issued by the Senate, which is why neither he nor any representative was able to attend,” wika ni Boco.

Si Cunanan ay isang authorized representative ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga, ang POGO na nakansela ang lisensya at kalaunan ay sinalakay at ipinasara dahil sa mga ilegal na aktibidad.

Sa pagdinig noong Miyerkules, kinontemp ng mga senador si  Cunanan at ipinag-utos na mag-isyu ng arrest warrant laban sa kanya at kina Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, kanyang mga kapatid, ama, at umano’y ina na si Wen Yi Lin. Hindi rin dumalo ang mga nabanggit sa pagdinig.

“We will be filing our explanation and/or necessary motion,” pahayag ni Boco. “We’re looking into the Senate rules pa as to what specific motion would apply.”

Base kay Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman at CEO Alejandro Tengco, hindi umano nabayaran ni Cunanan ang mga bill ng Lucky South 99 kahit na ibinigay ang pera sa kanya, base sa salaysay ni Cassandra Ong, isa pang kinatawan ng POGO. 

Hindi nagbigay ng komento si Boco ukol sa testimonya ni Tengco at sinabing ihahayag ito sa tamang forum.

“We have always intended to cooperate with the investigation,” giit ng abogado. RNT/SA