THE HAGUE, Netherlands – Hiniling ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na mag-utos ng panibagong medical re-determination upang masuri kung siya ay “fit to stand trial” sa kasong crimes against humanity.
Sa isang pitong-pahinang pleading na may petsang Mayo 25, sinabi ng defense counsel na si Peter Haynes na ang naunang medical assessment kay Duterte ay limitado lamang sa pre-trial stage at hindi sumasaklaw sa aktuwal na paglilitis.
Ayon sa kanya, sa confirmation of charges hearings, isa sa mga eksperto ang nakapansin na si Duterte ay may “a partial understanding of the accusations” at ito umano ay “reduces to some extent his ability to stand trial.”
Giit ni Haynes, obligado ang Trial Chamber na muling suriin ang fitness ng akusado “every 120 days, or upon the request of a party,” upang matiyak ang patas na paglilitis.
Dagdag pa niya, mahalagang matukoy kung kaya pa ng akusado na “meaningfully exercise his or her procedural rights,” dahil kung hindi, maaaring maapektuhan ang fairness ng trial.
Hinihiling din ng kampo ng depensa na mag-utos ang ICC Trial Chamber III ng panibagong medical examination alinsunod sa Rule 135 ng ICC Rules of Procedure. RNT/MND