Home NATIONWIDE Kampo ni Estrada, tutol na alisin si Bonoan sa graft case

Kampo ni Estrada, tutol na alisin si Bonoan sa graft case

2
0

MANILA, Philippines – Tinutulan ng kampo ni Senator Jinggoy Estrada ang hakbang ng prosekusyon na alisin bilang akusado si former Public Works Secretary Manuel Bonoan sa kasong graft kaugnay ng umano’y flood control kickback scheme.

Sa pagdinig nitong Martes sa Sandiganbayan Second Division, sinabi ng anti-graft court na naghain ang mga abogado ni Estrada ng pagtutol sa mosyon ng Office of the Ombudsman na amyendahan ang criminal information at alisin si Bonoan sa kaso.

Balak ng prosekusyon na gamitin si Bonoan bilang cooperative witness laban kay Estrada at sa iba pang flood control cases na iniimbestigahan ng Ombudsman.

Kinuwestiyon ng hukuman, sa pangunguna ni Presiding Justice Geraldine Econg, ang legal na batayan ng pag-aalis kay Bonoan matapos na siyang kasuhan.

Iginiit ng prosekusyon na pinapayagan sa ilalim ng Rule 110, Section 14 ng Rules of Court ang pag-aalis sa isang akusado mula sa criminal information sa pamamagitan ng formal amendment.

Gayunman, sinabi ni Atty. Laurence Arroyo, abogado ni Estrada, na mapipinsala ng panukalang amyenda ang karapatan ng senador, na na-arraign na, at mababago nito nang malaki ang teorya ng prosekusyon.

“The accused [Estrada] has been arraigned and we take the position that the prosecution proposes a substantial amendment. Their amendment will alter the availability of defenses and evidence under the original information,” pahayag ni Arroyo sa hukuman.

Binigyang-diin din niya na nakasaad sa orihinal na information na nagsabwatan umano sina Estrada at Bonoan sa paggawa ng krimen.

“The information states that Bonoan and Estrada conspired with each other in the crime. It will be converted into a charge where the only defendant left is Estrada. It alters… the facts and availability of defenses,” ani Arroyo.

Iginiit naman ng prosekusyon na naging “complicit” si Bonoan sa mga umano’y transaksiyon sa isang punto, ngunit hindi raw mababago ng kanyang pag-aalis bilang akusado ang mga alegasyon laban kay Estrada kaugnay ng parehong flood control projects, umano’y budget insertions at kickback commitments.

Sinabi ni Econg na naisumite na para sa resolusyon ang mosyon na amyendahan ang information.

Personal namang dumalo si Bonoan sa pagdinig sakay ng wheelchair. Ayon sa kanyang abogado, patuloy siyang nakararanas ng pabagu-bagong tibok ng puso. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here