Home NATIONWIDE Kampo ni VP Sara ‘di nag-aalala sa testimonya ni Madriaga sa Impeachment

Kampo ni VP Sara ‘di nag-aalala sa testimonya ni Madriaga sa Impeachment

112
0

MANILA, Philippines – Hindi umano nababahala ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa nakatakdang pagtestigo ni Ramil Madriaga, isang self-confessed “bagman” ng Bise Presidente, sa impeachment hearing sa House of Representatives.

Ayon kay Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., legal counsel ni Duterte, hindi nila pinaniniwalaan ang mga magiging pahayag ni Madriaga.

“As counsel for VP Sara in the specific perjury complaint versus Madriaga, we don’t mind because we know that whatever he says are lies. And then in the proper forum, which is looking like the Senate, we can definitively prove that he’s a fraud. So we don’t have concerns that he’s testifying,” ani Panelo.

Dagdag niya, ang tanging alalahanin nila ay maaaring may maniwala sa mga pahayag nito.

“The only concern really is that baka may maniwala because I’m sure it’s going to be amplified. Puro kalaban ni VP Sara yung nasa House Justice Committee,” aniya.

Sinabi rin ni Panelo na hindi nila haharangin ang pagtestigo ni Madriaga at itinuturing pa nila itong “weakest link” ng kaso.

“…we’re not going to stop them from self-destructing their case by inviting Madriaga to testify,” dagdag niya.

Ayon pa sa kanya, ang impeachment ay magiging pagkakataon para makita umano ng publiko ang tunay na estado ng kaso.

Sa panig naman ni Atty. Raymund Palad, abogado ni Madriaga, handa ang kanyang kliyente na humarap sa pagdinig sa Martes.

“Mr. Madriaga is prepared to testify under oath and subject himself to full scrutiny,” ani Palad.

Tinanggihan din niya ang pahayag ng kampo ni Panelo na sinisiraan ang kredibilidad ng kanyang kliyente.

Samantala, nanawagan si Bicol Saro Rep. Terry Ridon kay VP Sara na dumalo sa impeachment hearing upang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.

“Tingin ko walang dahilan para matakot, walang dahilan para hindi po maglatag ng ebidensya,” ani Ridon.

Batay sa utos ng korte, pinayagan si Madriaga na dumalo sa impeachment hearing sa House Committee on Justice sa Abril 14 mula 8 a.m. hanggang 5 p.m., basta may escort mula sa jail authorities.

Nauna nang nagsampa ng perjury complaint si VP Sara laban kay Madriaga, na iginiit ng kampo niya ay hindi dapat makaapekto sa kanyang pagtestigo sa impeachment case. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here