SAKALING matuloy ang halalang 2028, napakalaking halaga ang magiging papel ng mga kapitan at kagawad kagawad sa kampanya ng mga kakandidato para sa mga posisyon sa local government unit, rehiyon at nasyunal sa 2028.
Maaaring magiging mapagpasya ang mga mahahalal sa Nobyembre 2026 na kapitan at kagawad dahil sila ang uupo hanggang 2030 at may malaking impluwensya sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Mapagpasya dahil direkta na silang makalalahok sa mga halalan para sa mga nakatataas na organo ng pamahalaan gaya ng munisipyo, lungsod, lalawigan at rehiyon.
Maging sa mga pandistrito o pangkongresman, pang-senador at Vice President at President.
Direkta na silang makalalahok sa ibang mga halalan dahil hindi na sila “non-partisan” o bawal na lumahok nang direkta sa pangangampanya para sa nakataas na mga opisyal ng bayan mula mayor hanggang sa Presidente.
Nag-ugat ang kanilang kapangyarihan na makilahok sa ibang mga halalan sa isang desisyon ng Korte Suprema nitong nakaraang mga buwan lamang.
MGA PAGBABAGO
Ayon sa Republic Act No. 12232 o An Act Setting the Term of Office of the Barangay Officials and Members of Sangguniang Kabataan, magkakaroon na ang mga kapitan at kagawad ng apat na taong panunungkulan at puwede silang kumandidato ng tatlong beses.
Kapag nanalo sila ng tatlong beses, dito na lang sila titigil sa pag-upo at magpapalipas lamang ng isang 4-taong termino ng bagong kapitan at kagawad bago sila papayagang kumandidato muli.
Dahil sa Nobyembre 2020 sila magkaroon ng halalan at uupo ang mga mananalo Disyembre 2026, madadatnan silang nakaupo ng mga kakandidatong mayor, gobernador, kongresman, senador, Vice President at President at iba pa para sa halalang 2028.
HINDI NA LANG TAU-TAUHAN
Dahil sa kanilang bagong kapangyarihan na pupwede nang lumahok sa pangangampanya at sumali sa mga partidong pulitikal, hindi na sila basta maituturing na tau-tauhan ng mga nakatataas na politiko.
Kailangan silang ligawan, kung hindi, baka mawalan ang mga nakatataas na kandidatong politiko ng tsansa na manalo.
At ang kalagayang ito, daranasin din ng mga kongresman, senador, Vice President at President.
Dito na makikita kung paano manikluhod ang mga nakatataas na kandidato sa mga bumubuo sa Association of Barangay Councils sa mga munisipyo, lungsod at lalawigan.
At isama na natin ang mga panrehiyon at pambansang League of Barangay Captains.
MAS MALAKING PARTISIPASYON NG TAO
Dahil bumaba na sa antas ng mga barangay ang lahat ng pulitika, masasabing nagkaroon na ang mga mamamayan ng higit na partisipasyon sa pamamahala sa lahat ng antas ng gobyerno mula sa LGU hanggang sa mga distrito, lalawigan, rehiyon at nasyunal.
Kasama ng mga kapitan at kagawad, pupwede na silang umayon o sumalungat sa mga nakataas na opisyal ng bayan.
At hindi basta na lang tumango nang tumango sa bawat talsik ng laway ng mga nakataas na nag-uutos ng mga pupwede o hindi pupwedeng gawin.
Bawas na bawas na ang mga salitang “utos ni mayor, ni gobernador, ni kongresman, ni senador,” ni Vice President o ni President.”
Dahil may bago nang kapangyarihan nina kapitan, kagawad at mga mamamayan, sana naman makatutulong ito sa pagtimpla ng galawan ng mga nasa itaas, lalo na sa korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan.






