Home OPINION KANINO KA OKs: INDAY SARA O MARTIN ROMUALDEZ? (2)

KANINO KA OKs: INDAY SARA O MARTIN ROMUALDEZ? (2)

ITULOY natin ang pagtalakay sa mga politiko, partikular kina Vice President o Inday Sara at Speaker Martin Romualdez, lalo na kaugnay ng mga lumalabas na sarbey ukol sa kanila.

Nitong nakaraang Lunes, tinalakay natin ang resulta ng pinakahuling Social Weather Station ukol sa Satisfaction Rating ng mga mamamayan kina Inday Sara at Martin sa paninilbihan sa publiko at pagganap ng kani-kanilang trabaho.

Hindi masamang ulitin natin ang lumabas na grado ng dalawa na ibinigay ng mga mamamayan sa sarbey sa loob ng isang taon mula noong Hunyo 2023.

Kay Inday Sara: Hunyo 2023 – +69; Setyembre 2023 – +57; Disyembre 2023 – +61; Marso 2024 – +63; at Hunyo 2024 – +44.

Kay Martin: Hunyo 2023 – +32 ang grado; Setyembre 2023 – +31; Disyembre 2023 – +28; Marso 2024 – +13; at Hunyo 2024 – 29.

Kayo na ang humusga sa grado ng dalawa.

Ngayon naman, may lumabas na ibang sarbey ukol sa dalawa ngunit patungkol naman sa kung sino ang iboboto ng mga mamamayan bilang Pangulo ng Pilipinas kung may halalan sa panahon ng sarbey, kaugnay ng halalang presidensyal sa 2028.

Ayon sa non-commissioned opinion survey ng Oculum Research and Analytics na pinamumunuan ni Polytechnic University of the Philippines University Professor Racidon Bernarte, nanguna si Inday Sara sa gradong 25.4 porsyento mula sa 1,200 na tinanong noong Hunyo 25-Hunyo 30, 2024 habang pang-9 si Martin.

Sa posisyong Vice President, nanguna si Senator Raffy Tulfo at lumitaw na pang-9 pa rin si Martin.

Kung ano ang ibig sabihin nito, kayo na ang bahalang humusga.

Alalahaning sa kasagsagan ng mga maniobra o pagkilos para sa Charter change nitong nakaraang mga buwan, ngalan ni Martin ang lumutang na susunod na pinakamataas na lider ng Pilipinas.

Anong nangyari at sa dalawang nasabing sarbey, napakalaki ang agwat ng dalawa sa usaping pampulitika at serbisyo publiko?

Mananatili kaya ang ganitong kalagayan sa pagitan nina Inday Sara at Martin hanggang sa halalang 2028?