NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Pinayuhan ng Negros Occidental disaster office ang mga residente malapit sa Bulkang Kanlaon na manatiling alerto dahil sa posibleng ashfall matapos itong magbuga ng abo dalawang beses noong Lunes ng umaga.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, naitala ang ash emission bandang 10:09 a.m. at 11:31 a.m. na tumutok sa timog-kanluran.
Nauna rito, tatlong ash emission events din ang naitala ng Phivolcs noong Linggo.
Nanatili ang Bulkang Kanlaon sa Alert Level 2, na nangangahulugang may katamtamang pag-aalboroto at posibleng biglaang phreatic eruptions.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong permanent danger zone.
Nagpaalala rin ang Department of Health sa Negros Island Region na magsuot ng face mask, isara ang mga bintana at pinto, at uminom ng sapat na tubig sakaling magkaroon ng ashfall.
Ang unang pagsabog ng bulkan noong Hunyo 2024 at mga sumunod na aktibidad ay pangunahing nakaapekto sa Bago City, La Carlota City, La Castellana, at Canlaon City. RNT/MND