Home OPINION ‘KAPAG PUNO NA ANG SALOP’

‘KAPAG PUNO NA ANG SALOP’

284
0

PAULIT-ULIT na problema tuwing tag-ulan ang malawakang pagbaha. Paano ba naman dear readers, ‘eh sa halip na pangmatagalang solusyon ang gawin, lumalabas na kasakiman, kawalan ng malasakit at pagmamaniobra sa flood control budget ang dahilan kaya palpak ang ilang proyekto na nasa pangangalaga ng Department of Public Works and Highways.

Mukhang mas pinagbuti ni dating DPWH district engineer Henry Alcantara ang pagsusugal kaysa tutukan ang monitoring at inspection sa mga flood control contractor at project site completion habang nakataya ang buhay ng ating mga kababayang binabaha. Inamin niya sa Senado ang kaniyang pagka-casino , aaminin niya rin kaya ang anomalya sa bidding process at nakawan ng pondo sa Bulacan? Saan kaya nanggaling ang perang pantaya at pantustos sa kaniyang kapritso at bisyo? Kung may natitira pang pagmamahal sa bayan si Alcantara -isiwalat niya ang katotohanan at ang lahat ng kanyang nalalaman.

Sabit din ang kontratistang si Sarah Discaya na maraming nakuhang kontrata mula sa ahensya at ngayo’y nahaharap sa pagdinig ng Senado. Kailangan niyang ipaliwanag ang bilyones at mga ‘nai-flex’ niyang yaman. Mahahalungkat ng Senado ang lahat kahit gaano pa niya itinago. Kung totoo siyang malinis, dapat niya itong ipakita. Pero kung ito’y mula sa dugo’t pawis ng taumbayang lumalangoy sa baha, ala-‘Janet Napoles’ ang kaniyang hahantungan.

Kailangan ding mapangalanan at tanggalan ng maskara ang mga politikong sangkot dito gayundin ang iba pang opisyales ng DPWH at iba pang ahensyang nakinabang sa “scam” na ito. Maituturing silang ‘TRAYDOR’ sa bansang Pilipinas. Sa halip na magsilbi ng tapat, kasakiman ang inaatupag. Kung patuloy nila tayong pagsasamantalahan at ibinubulsa ang pondo para sa ating mga kababayan, ano pa ang silbi ng kanilang panunungkulan?

Hindi natin dapat hayaan na matulad tayo sa bansang Indonesia kung saan umabot na sa punto na ang taumbayan mismo ang gumanti laban sa mga tulad nila. “Kapag puno na ang salop” ika nga ng titulo ng pelikula noong 1987 ng namayapang “Da King” na si Fernando Poe Jr. Huwag nilang hintayin na kumilos ang mga Pilipino dahil mas higit pa rito ang aasahan.

Kailangang ipagpatuloy ang malalimang imbestigasyon, magkaroon ng paglilitis at kongkretong parusa para sa mga sangkot na politiko, opisyales ng pamahalaan at kontraktor. Patuloy tayong magbantay at magsumbong. I-post sa social media at www.sumbongsapangulo.ph ang inyong mga natuklasang anomalya para sa buhay, kaligtasan at kinabukasan ng bawat Pilipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here