Home METRO Kapatid na suspek sa pagpatay sa mag-ina sumuko; krimen inamin

Kapatid na suspek sa pagpatay sa mag-ina sumuko; krimen inamin

TAYABAS CITY- Sumuko sa mga awtoridad ang kapatid na babae na isa sa persons of interest sa pagkamatay ng mag-ina makaraang matagpuan ang bangkay ng mga ito sa bakanteng lote nitong Biyernes sa lungsod na ito.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Pio Duran Police Station ang suspek na si Ligaya Oliva Pajulas, nakatatandang kapatid ng biktimang si Lorry Litada, 56, at tiyahin ng anak nitong si Mai Motegi, 26, Japanese.

Ayon kay Police Major Darwin Sevilla, hepe ng Pio Duran Police station, nakipag-ugnayan sa kanilang tanggapan ang anak na lalaki ni Ligaya para isuko ang kanyang ina.

Matatandaang nitong Huwebes, natagpuan ang bangkay ng mag-ina sa bakanteng lote ilang metro ang layo sa bahay ni Ligaya sa Bella Vita Subdivision, Barangay Isabang, Tayabas.

Nabatid na nagbabakasyon lamang sa bansa ang mag-ina na sina Lorry, isang OFW sa Japan, at Mai, anak niya.

Sa pahayag ng mga kaanak, noong Pebrero 20, 2024 ay hindi na nila makontak pa ang mag-ina na may dalang P5 milyong ibabayad sa nabili nilang property.

Napag-alamang huling nakita ang mag-ina noong March 9, 2024 sa bahay ni Ligaya (suspek).

Samantala, sa pinakabagong ulat, inamin na ni Ligaya ang pagpatay sa mag-ina, habang hindi pa natutunton ang tatlo pang suspek.

Sa ulat nitong Linggo, inihayag ng Tayabas police na nasa kustoduya nila ang kapatid ni Lorry.

Sinabi umano ng suspek sa mga pulis na pinaslang niya, kasama ang tatlo pang suspek, kabilang dito ang kanyang asawa, ang mga biktima sa pamamagitan ng pagbugbog at pagsaksak sa mga ito hanggang malagutan ng hininga.

Kasalukuyang nasa ospital ang babaeng suspek matapos magtangkang magpakamatay matapos mapag-alamang nahanap na ang mga bangkay ng mga biktima. Mary Anne Sapico

Previous articleResidential area sa Alabang nagliyab!
Next articleTINGNAN: Mga mananampalataya bumisita sa Our Lady of Lourdes Grotto Shrine