MANILA, Philippines – Nabiktima ng tinatawag na “basag-kotse” ang kapatid ni Caloocan City 2nd District Congressman Egay Erice, at tinangayan pa ng salapi at ilang gamit sa loob ng sasakyan nito habang nakaparada sa Barangay 106 ng nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, noong Pebrero 27 ng taong kasalukuyan nang naganap ang insidente kung saan natangay ang kanyang bag na naglalaman ng ₱480,000 cash at ilang mahahalagang personal na dokumento na nasa loob ng sasakyan nito.
Ayon kay Lito Erice, kapatid ng naturang kongresista, ang nasabing halaga ay personal niyang pondo bilang isang negosyante at walang kaugnayan sa anumang transaksyon o kontrata sa pamahalaan.
Aniya, ang pera ay nakalaan para sa pagbili ng mga materyales para sa isang proyektong kanyang pinangangasiwaan, pambayad sa sahod ng mga manggagawa ngayong katapusan ng buwan, at para sa ilang personal na gastusin.
Ipinaliwanag din niya na maaga pa nang mangyari ang insidente at maliwanag ang paligid, na may presensya rin ng maraming tao. Dahil dito, inakala niyang ligtas ang kanyang sasakyan habang siya ay may saglit na inaasikaso.
Sa kasamaang-palad, wala umanong CCTV sa mismong lugar na maaaring makatulong sa agarang pagtukoy sa mga suspek.
Patuloy siyang nakikipagtulungan sa mga awtoridad para sa masusing imbestigasyon at umaasa na matutukoy at mapapanagot ang mga responsable.
Binigyang-diin ni Erice na siya ay isang pribadong indibidwal at ang nangyari ay isang krimen kung saan siya mismo ang naging biktima. Hinihiling niya sa publiko ang patas na pag-unawa at pag-iwas sa mga haka-hakang walang kinalaman sa insidente. (Merly Duero)