MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang 49-anyos na construction worker na umano’y naghagis ng improvised explosive device sa kapilya ng Iglesia Ni Cristo (INC), na nagresulta sa maliit na sunog sa Barangay Soledad, Mauban, Quezon, nitong Lunes, Mayo 19.
Ayon kay Maj. Arjon Oxina, acting chief of police ng Mauban Municipal Police Station, pinasok ng suspek ang simbahan ng INC dala ang tatlong molotov cocktail bottles, isang uri ng improvised explosive, alas-8 ng umaga.
Sinubukan siyang pigilan ng mga miyembro ng Iglesia ngunit naipilit pa rin ng suspek ang kanyang sarili.
Sa ulat, sinubukang sirain ng suspek ang jalousie window ng simbahan at inihagis ang pampasabog sa loob nito, dahilan para magsimula ang isang sunog.
Agad namang naapula ang sunog na nag-iwan ng P50,000 halaga ng pinsala sa ari-arian.
Bago tumakas ay nagbanta pa ang suspek na babalik ito at susunugin nang tuluyan ang kapilya.
Isang oras makalipas ay naaresto ang suspek sa operasyon ng pulisya sa Barangay Sadsaran.
Sa interogasyon ng pulisya, hindi naman sinabi ng suspek ang anumang motibo sa pagsunog sa INC church.
“Bigla na lang daw niya naisip, hindi naman siya lasing but sa interview namin sa kaniya, gumagamit siya ng illegal drugs,” ani Oxina.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente para sa iba pang posibleng motibo. RNT/JGC