Home METRO Kapitana sugatan sa pananambang

Kapitana sugatan sa pananambang

CALBAYOG CITY- NILAPATAN ng lunas sa ospital ang isang barangay chairwoman matapos barilin ng hindi pa kilalang suspek habang ang una ay sakay ng pedicab nitong Lunes sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Susan Sumulong, 50, ng Barangay Calocnayan, Seven Hills, Calbayog City.

Batay sa report ng Calbayog Police Station, bandang 12:00PM naganap ang pamamaril sa Rotonda, sakop ng Barangay Obrero, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima ng pedicab at pagsapit sa nasabing lugar bigla na lamang binaril ng suspek ang biktima na tinamaan sa balikat.

Agad naman isinugod sa Calbayog District Hospital ang biktima para lapatan ng lunas ang tinamo nitong sugat.

Matapos ang pamamaril mabilis na pinaharurot ng suspek ang motorsiklo patakas sa di-malamang direksyon.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa insidente at pagkakakilanlan sa suspek para agaran ikadarakip./Mary Anne Sapico