MANILA, Philippines – Mananatiling may nakatalagang pulis sa mga sementeryo sa Maynila kahit natapos na ang panahon ng Undas.
Ito ang tiniyak ni Manila Police District Director BGen. Arnold Abad kay Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso.
Batay sa pinakahuling datos na isinumite ni Abad kay Mayor Isko, nakapagtala ang MPD ng kabuuang 1,385,016 mga bumisita sa iba’t-ibang mga sementeryo sa Maynila.
Paliwanag naman ng alkalde, inaasahan kasi na may ilan pang hahabol sa pagbisita sa puntod ng kanilang yumaong kaanak.
Ang Manila North Cemetery ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga bumisita na umabot sa 1,195,326, pumangalawa ang Manila South Cemetery na may 145,860, La Loma Cemetery na may 38,200, Manila Chinese Cemetery na may 5,400, at Paco Park Cemetery na nakapagtala lamang ng 230. Jocelyn Tabangcura-Domenden