MANILA, Philippines- Binigyang-diin ng National Irrigation Administration (NIA) nitong Huwebes ang pangangailangan para sa mas maraming high dams upang ibsan ang epekto ng matinding pagbaha, kasunod ng epekto ng typhoon-enhanced southwest monsoon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing, nilinaw ni NIA Administrator Eduardo Guillen na hindi pag-apaw ng tubig sa mga dam ang mitsa ng pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila at Bulacan.
“Hindi ho kailanman magiging masama ang epekto kung mayroon tayong high dams, kasi mari-regulate po, mako-kontrol natin iyong flow ng tubig,” anang opisyal.
Ani Guillen, kapaki-pakinabang ang high dams hindi lamang sa pagtitiyak ng water supply para sa irigasyon kundi sa flood management, dahil maaaring magpakawala nag regulators ng tubig bilang paghahanda sa mga bagyo.
“Iyan po ang kagandahan sa sinasabi ng ating Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na iyong water management, para kapag tag-ulan, you know, maka-mitigate din ng baha kapag nag-iipon po tayo ng tubig,” sabi ng opisyal.
Partikular na binanggit ni Guillen kung paano nakatulong ang Wawa Dam sa Rodriguez, Rizal na ibsan ang epekto ng labis na pagbaha sa Metro Manila.
“Kung i-drone nila iyon, halos mapuno na iyon. So, imagine, kung iyong laman ng Wawa Dam na iyan ay bumuhos dito sa Metro Manila, eh di lalo na tayong nalubog po sa baha,” pahayag niya. RNT/SA