MANILA, Philippines- Pinalawig ng Department of Agriculture (DA) ang Rice-for-All program nito sa karagdagang pampublikong pamilihan sa Metro Manila, upang mas maging accessible ang abot-kayang bigas sa mas maraming Pilipino.
Inanunsyo ng DA na apat pang Metro Manila markets ang mag-aalok na rin ng P40 kada kilo ng well-milled rice.
Kabilang sa bagong Rice-for-All locations ang Larangay Public Market sa Dagat-Dagatan, Caloocan; Phase 9 Bagong Silang Market, Caloocan; Cloverleaf Market, Balintawak, Quezon City; at New Marulas Public Market, Valenzuela City.
Sinimulang magbenta ng KADIWA ng Pangulo rice kiosks sa mga pamilihang ito ng P40 na bigas noong Sabado.
Bukas ang mga ito ng alas-4 ng madaling araw hanggang alas-6 ng hapon araw-araw, maliban sa Dec. 24 at 25, 30 at 31, 2024 at Jan. 1, 2025.
Binuksan din ang karagdagang KADIWA kiosks na nagbebenta ng P29 bigas sa Kamuning Market sa Quezon City, Pasay City Public Market at New Las Piñas City Market.
Inilunsad noong Agosto, nilalayon ng Rice-for-All program na makapagbigay ng abot-kayang rice options sa gitna ng pagtaas ng presyo ng nasabing bilihin.
“The DA is working closely with market leaders to expand the program further, with plans to establish more KADIWA ng Pangulo kiosks across Luzon and eventually nationwide,” pahayag ni Agriculture Assistant Secretary Genevieve Guevarra, namamahala sa KADIWA program. RNT/SA