Home OPINION KARAGDAGANG P33 NA SAHOD IBINIGAY SA MGA MANGGAGAWA SA PRIBADONG SEKTOR...

KARAGDAGANG P33 NA SAHOD IBINIGAY SA MGA MANGGAGAWA SA PRIBADONG SEKTOR SA ILOCOS REGION

NAGLABAS ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) – I (Ilocos Region) ng motu proprio Wage Order No. RB 1-23 noong ika-9 ng Oktubre 2024, na nagbibigay ng karagdagang P33 sa arawang minimum na sahod sa lahat ng sektor kapag naging epektibo na ang wage order.

Magiging P468 na ang arawang mi­nimum na sahod para sa non-agriculture sector na may 10 o higit pang empleyado. Mula sa dating P402.00, magiging P435.00 para sa Non-Agriculture na may mas mababa sa 10 empleyado; at Agriculture.
Inaprubahan din ng RTWPB I ang motu proprio Wage Order No. RB 1-DW-05 para sa karagdagang P500 sa buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay, kung saan magiging P6,000 na ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa nasabing rehiyon:
Alinsunod sa mga umiiral na batas at patakaran, isinumite ang wage order sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa pagsusuri at pinagtibay ito noong ika-16 ng Oktubre 2024.  Ipapalathala ang mga wage order sa ika-22 ng Oktubre 2024 at magiging epektibo ito sa ika-7 ng Nobyembre 2024 o isang araw pagkatapos ng anibersaryo nito.
Isinaalang-alang sa pagbibigay ng karagdagang sahod ang iba’t ibang pamantayan sa pagtukoy ng sahod sa ilalim ng Republic Act No. 6727 o ang Wage Rationalization Act. Nagsagawa rin ang Regional Board, na binubuo ng mga kinatawan mula sa sektor ng pamahalaan, namumuhunan at manggagawa, ng konsultasyon at pampublikong pagdinig sa nasabing rehiyon bilang bahagi ng pro­seso sa pagtukoy ng minimum na sahod.
Ang bagong minimum na sahod para sa manggagawa sa pribadong sektor ay nangangahulugan ng 8% na pagtaas mula sa umiiral na arawang minimum na sahod sa rehiyon at magreresulta ng 12% pagtaas sa mga benepisyong nauugnay sa sahod kabilang ang 13th-month pay, service incentive leave (SIL), at social security benefits tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.
Inaasahan na direktang makikinabang ang may 170,143 manggagawa na tumatanggap ng minimum na sahod at humigit-kumulang na 349,112 full-time wage and salary worker na tumatanggap ng mahigit sa minimum na sahod mula sa pagsasaayos ng sahod bunga ng wage distortion.
Gaya ng anomang wage order, at tulad ng itinakda ng NWPC Omnibus Rules on Minimum Wage Determination, ang mga retail/service establishment na may regular na empleyado na hindi hihi­git sa sampu, at mga negosyong naapektuhan ng natural na kalamidad  ay maaaring mag-apply ng exemption mula sa pagtaas ng sahod sa RTWPB.
Hindi saklaw ng batas sa minimum na sahod ang mga rehistradong Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) alinsunod sa Republic Act No. 9178 [2002].
Kailangang magsagawa ang RTWPB I ng information campaign upang tiyakin ang pagsunod sa bagong minimum na sahod  at magbigay ng kinakailangang tulong sa mga negosyo sa pag­wawasto ng wage distortion. Para sa aplikasyon ng exemption at karagdagang paglilinaw sa wage order, maaaring makipag-ugna­yan sa RTWPB sa pamamagitan ng email: [email protected].
Ang huling wage order para sa mga manggagawa sa pribadong kompanya at mga kasambahay sa nasabing rehiyon ay parehong inilabas noong ika-10 ng Oktubre 2023, at naging epektibo noong ika-6 ng Nobyembre 2023.