Home OPINION QUADCOMM BUKING SA PAMIMILIT

QUADCOMM BUKING SA PAMIMILIT

113
0

IBINUNYAG ng isang miyembro ng Philippine National Police Academy class of 1997 na si PCol Hector Grijaldo sa hearing ng Senado na pinilit siya ng mga miyembro ng House Quad Committee na suportahan o kumpirmahin ang pahayag ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma na nagkaroon ng reward system sa “war on drugs” sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Itinuro ng nasabing PNP official sina Laguna Rep. Dan Fernandez at Bienvenido “Benny” Abante Jr., kapwa miyembro ng QuadComm, na namilit sa kanya na pumirma sa isang affidavit na nagpapatotoo sa mga pahayag ni Garma kaugnay sa anti-drug operations ng Duterte Administration.

Naganap ang sapilitang pagpapapirma kay Grijaldo, nakatalaga sa admin holding ng PNP, noong Oktubre 22.

Ano naman siyempre ang sasabihin nina Fernandez at Abante? Siyempre, sasabihin ng mga ito na sinungaling si Grijaldo.

Sabi nga  ni Fernandez, chair ng House Committee on Public Order and Safety, ang pahayag ni Grijaldo ay “lies of the highest level” sa pagnanais nito na pahinain ang patuloy na imbestigasyon ng komite sa umano’y extrajudicial killings noong kampanya kontra droga ni Duterte.

Ano naman ang mapapala ni Grijaldo kung magsinungaling siya? Eh mas mapagaganda pa nga ang kanyang katayuan kung kukumpirmahin niya ang mga pahayag ni Garma, na sa paniwala naman ng dating opisyal ng Duterte administration na si Atty. Salvador Panelo,  ay tinakot din ng QuadComm.

Matatag ang paninindigan ni Grijaldo na “napressure” siya ng mga mambabatas sa pagsuporta sa imbestigasyon ng mga ito.

Ano ngayon ang maaaring mangyari kay Grijaldo? Dahil sa ginawa niyang pagbubunyag, malaman na malabo na siyang makapagretiro ng maayos sapagkat tiyak na gagantihan siya ng mga mambabatas na kanyang ipinahiya sa Senado.

Inaasahan na maging ang pamilya nitong si Grijaldo ay nakararanas nang pamamahiya sa mga mambabatas na itinanggi ang pahayag nitong matatag na police official.

Nakabibilib naman talaga ang mga katulad ni Grijaldo at maging ni retired Police Colonel Edilberto Leonardo, miyembro ng PNPA Class of 96, sapagkat matapos ang pananakot at pamamahiya sa kanya sa imbestigasyon ng QuadComm, ay nagpakita ito ng delicadeza sa pamamagitan nang pagreresign sa National Police Commission na kaagad naman tinanggap ni PBBM.

Unti-unting nabubuksan ang pananakot at panggigipit ng QuadComm sa mala-telenobelang imbestigasyon kaugnay sa war on drugs, extra judicial killings at Philippine Offshore Gaming Operators o POGO noong Duterte administration.

Pero ang dapat talagang imbestigahan nila ay ang mga korap na mambabatas at iba pang opisyales ng gobyerno na nagnakaw ng milyon-milyon o bilyon-bilyong pisong pondo sa mga proyekto at programa ng pamahalaan na naglalayon na magbigay ng kaginhawaan sa mga mamamayan.

Ang mga korap na ito ang dahilan kung bakit patuloy na naghihirap ang Pilipinas at hindi na umangat-angat ang ekonomiya ng bansa.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here