MANILA, Philippines- Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinitingnan ng gobyerno na makapagbigay ng mas maraming rice processing systems at iba pang agricultural machinery sa mas maraming lalawigan.
”Kasi ‘yung kahit na… Pagka ganito kalaki ang processing, hindi lang Piddig ito. Buong probinsya makikinabang dito,” ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos sa isinagawang pagpapasinaya sa rice processing system at turn over ng iba’t ibang agricultural machinery sa Piddig Basi Multipurpose Cooperative sa Ilocos Norte.
”At siguro pagka nakadelihensya pa tayo sa [Rice Competitiveness Enhancement Fund] ng kaunti pa, baka madagdagan na natin para naman lahat ng buong probinsya ay mararamdaman ang pagbabago na ginagawa natin para sa agrikultura,” dagdag na wika nito.
Ang Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF “has provided a substantial revenue stream for the government to finance essential development projects aimed at improving the competitiveness of the rice sector in the Philippines.”
Ang rice processing system, nagkakahalaga ng P56.5 milyon, ay kinabibilangan ng multi-stage rice mill na may kapasidad na dalawa hanggang tatlong tonelada kada oras, nagtatampok ng pre-cleaner, de-stoner, huller, mist polisher, length grader, color sorter, blending tank, automatic packing machine para sa milled rice, rice hull bin, dust collection system, air-conditioned control room, at transformer.
Kasama rin dito ang dalawang recirculating dryers, ang bawat isa ay mayroong 12-tonelada kada batch na drying capacity.
Ang driers ay gawa sa stainless steel, at may taglay na dalawang heating systems, isang generator set, tools, at iba pang accessories na nagkakahalaga ng P8.1 milyon. Kris Jose