MANILA, Philippines – Iniulat ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) nitong Huwebes na nakuha nina Curlee at Sara Discaya ang karamihan sa 150 flood control projects sa Ilocos Norte, na may kabuuang halaga na ₱9 bilyon, bilang bahagi ng patuloy na inspeksyon sa probinsya.
Kabilang sa mga proyekto ang nasa Bongo River at Sinigpit Creek sa Nueva Era, na napunta rin sa Discayas.
Ayon kay ICI special adviser Rodolfo Azurin Jr., layunin ng inspeksyon na masuri ang lahat ng proyekto na konektado sa Discayas at sa 15 iba pang kontraktor na tinukoy ni Pangulong Marcos sa imbestigasyon ng flood control.
Tiniyak ni Undersecretary Arthur Bisnar na magkakaroon ang ICI ng buong access sa lahat ng talaan at proyekto ng ahensya, kabilang ang regional at district offices, alinsunod sa utos ni Public Works Secretary Vince Dizon.
Sa unang hakbang, bibigyang-prayoridad ng ICI ang 80 sa 421 flood control projects na kasalukuyang iniimbestigahan.
Samantala, inaasahang haharap sa pagkakakulong ngayong Nobyembre ang mahigit 40 indibidwal na may kinalaman sa anomalya sa flood control projects sa Bulacan at Oriental Mindoro, kabilang ang mga Discaya, dating DPWH engineer Henry Alcantara, at nagbitiw na Ako Bicol Rep. Zaldy Co. RNT