Home NATIONWIDE Karapatan ng Pilipinas sa yamang dagat nito, pinalakas sa PMZ – Tolentino

Karapatan ng Pilipinas sa yamang dagat nito, pinalakas sa PMZ – Tolentino

Pinatibay ng nilagdaang Republic Act 12064 o Philippine Maritime Zone (PMZ) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang karapatan ng Pilipinas na linangin at pakinabanagan ang likas na yaman ng Pilipinas kabilang ang Talampas ng Pilipinas na kilala rin sa tawag na ‘Philippine Rise’ (dating Benham Rise).

Saklaw ng batas ang karapatan ng bansa na magtatag ng artificial islands , magtayo ng mga instalasyon at istruktura, magsagawa ng siyentipikong pananaliksik, maghukay at magbutas ng mga tunnel, at iba pang mga kahalintulad na hakbang na naaayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Senator Francisco Tolentino na siyang Chairman ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and AdmiraltybZones na kinakatawan ng PMZ ang paninindigan bilang isang bansa na protektahan ang maritime rights at soberenya ng Pilipinas.

Ayon sa Senador, kasama roto ang responsableng pangangasiwa at paglilinang sa likas yaman nito para pakinabangan ng sambayanang Pilipino,” paliwanag ni Tol.

Sinabi ni Tolentino na iminungkahi ng kamakailangang pagsasaliksik na ang Philippine Rise ay may malaking deposito ng langis ,natural gas at minerals para tugunan ang ating pangangailangan at seguridad sa enerhiya.

Sa ilalim ng international law, kinikilala ang Talampas ng Pilipinas, na nasa 250 kilometro mula silangan ng Isabela, bilang bahagi ng extended continental shelf ng Pilipinas. Pinagtibay ang hurisdiksyon dito ng bansa sa pamamagitan ng UNCLOS. Magugunita na taong 2001 nang unang maghain ng opisyal na territorial claim ang bansa sa Philippine Rise.

Nilagdaang ng Pangulo ang batas kasabay ng Philippine Archipelagic Sea Lanes Act, o RA 12065, noong Biyernes. Si Tolentino ang principal author at sponsor ng dalawang mahalagang batas.

Samantala, tinabla ni Tolentino ang paulit-ulit na kritisismo ng China sa PMZ, na ayon sa senador ay tumatalima sa international laws.

“Kung kayang igiit ng ibang bansa ang kanilang claims, gayundin ang Pilipinas. Taglay natin ang buong karapatan na itakda ang ating maritime boundaries at protektahan ang ating pambansang interes,” ayon pa kay Tolentino.

Nanawagan naman ang Senador sa publiko na magkaisa at magsama-samang manindigan para tiyakin ang pagrespeto ng ibang bansa sa ating maritime rights.

Ayon pa sa Senador, ito ay para na rin sa kapakinabangan ng bawat Pilipino, at maging ng mga susunod na henerasyon, sa mga yaman at rekurso ng Philippine Rise. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)