Pinangunahan ni Kardinal Giovanni Battista Re, Dean ng College of Cardinals, ang misa sa libing ni Papa Francisco sa Saint Peter’s Square sa Vatican noong Abril 26, 2025.
Sa harap ng daan-daang pinuno ng mundo, kabilang si Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos, muling binigyang-diin ni Kardinal Re ang mga pangunahing mensahe ni Papa Francisco: ang pangangalaga sa mga migrante, pagkilos laban sa pagbabago ng klima, at pagtatapos ng mga digmaan.
Inulit ni Re ang sikat na batikos ni Papa Francisco kay Donald Trump, na may panawagan na “build bridges, not walls.”
Ang sermon, na napanood ng milyun-milyong tao, ay nagsilbing pagpupugay kay Papa Francisco at tahimik na gabay para sa humigit-kumulang 135 na mga kardinal ng Simbahang Katoliko na magtatipon upang pumili ng bagong papa.
Binigyang-diin pa ni Kardinal Re, “Rich in human warmth and deeply sensitive to today’s challenges, Pope Francis truly shared the anxieties, sufferings and hopes of this time.”
Pumanaw si Papa Francisco, na ipinanganak bilang Jorge Mario Bergoglio at kauna-unahang papa mula sa Latin America, noong Abril 21, 2025 sa edad na 88.
Dinaluhan ng mahahalagang personalidad tulad ni Pangulong Volodymyr Zelenskiy ng Ukraine at mahigit 50 pang lider ng mundo ang kanyang libing. Tinatayang 250,000 katao ang bumisita sa Saint Peter’s Basilica upang magbigay-pugay bago ang libing.
Tinukoy din ni Kardinal Re ang encyclical ni Papa Francisco noong 2015 hinggil sa pagbabago ng klima at ang kanyang mga pagbisita sa mga kampo ng migrante sa Lampedusa at Lesbos. RNT