MANILA, Philippines – Tumama agad ang karma sa dalawang notoryus na snatcher nang kapwa ito sumemplang sakay ng kanilang motorsiklo papatakas makaraang hablutin ang cellphone ng Isang babae sa Caloocan City kahapon, Hulyo 7.
Sa report na ipinarating ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Arnold Abad, kasalukuyang nagpapatrulya ang kanyang mga tauhan sa East Grace Park nang marinig ang paghingi ng tulong ng 23-anyos na bebot matapos mahablutan ng cellphone ng riding-in-tandem alas-11:30 ng umaga.
Dahil dito, hinabol ng mga pulis ang mga suspek hanggang sa sumemplang ang mga ito sa 9th Avenue, 2nd Street, Brgy. 106, at maaresto.
Nasa edad mula 32 at 23-anyos ang mga suspek kung saan nabawi sa kanilang ang cellphone ng biktima na may halagang P7,000 at kinumpiska rin sa kanila ang gamit nilang motorsiklo sa pagsakatuparan ng krimen.
Robbery snatching ang isasampang kaso sa Caloocan City Prosecutor’s Office laban sa mga naarestong suspek. Merly Duero