Home HOME BANNER STORY Kaso ng ASF sa Pinas bumaba na nitong Enero 2025

Kaso ng ASF sa Pinas bumaba na nitong Enero 2025

MANILA, Philippines – Lumabas sa pinakabagong ulat ng Bureau of Animal Industry (BAI) na bumaba ang bilang ng mga barangay na apektado ng African Swine Fever (ASF) noong Enero.

Hanggang nitong Enero  10, ang mga barangay na nasa red zone, o may aktibong kaso ng ASF, ay bumaba sa 133 sa 34 na lungsod at munisipalidad mula sa 225 barangay noong Disyembre 27, 2024.

Ang mga apektadong lugar ay nasa walong rehiyon, kabilang ang Cordillera Administrative Region, Ilocos, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Central at Eastern Visayas, at Soccsksargen.

Ang mga rehiyon na may pinakamaraming apektadong barangay ay ang North Cotabato, partikular ang Midsayap at Pigkawayan, na may tig-18 apektadong barangay, kasunod ang Kidapawan City na may 15, Matalam na may 13, at Rizal sa Kalinga na may 10.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), nakatulong ang mahigpit na pagpapatupad ng mga border checkpoint sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan at ang mga hakbangin ng gobyerno, tulad ng pagbibigay ng 490,000 na doses ng ASF AVAC live vaccines, upang mapigilan ang pagkalat ng ASF at maprotektahan ang industriya ng baboy sa bansa. RNT