MANILA – Naghain si Agri Party-List Rep. Wilbert Lee ng House Bill No. 11297 upang amyendahan ang Universal Health Care (UHC) Act.
Layunin nitong dagdagan ang pondo para sa administrative costs ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang mapalakas ang actuary teams at iba pang tauhan para mapabilis ang implementasyon ng mas mataas na benepisyo sa kalusugan.
Binatikos ni Lee ang kasalukuyang sistema ng UHC dahil mas binibigyang-priyoridad umano nito ang pagkolekta ng premium kaysa sa pagpapabuti ng mga benepisyo.
“Dapat ang PhilHealth ay nakatuon sa pagdaragdag ng benepisyo at pagbabayad ng claims, hindi lamang sa pagkolekta ng premium,” aniya sa isang pagdinig ng House committee.
Ayon kay Lee, ang kakulangan ng tao at actuary teams na sumusuri sa case rates ang nagdudulot ng pagkaantala sa pag-aayos ng mga benepisyo. Iginiit niyang mahalagang ma-review agad ang case rates dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa kalusugan dulot ng implasyon upang mas maramdaman ng mga miyembro ang dagdag na benepisyo.
Si Lee ang nagbunyag ng bilyon-bilyong hindi nagamit na pondo ng PhilHealth noong 2023, na nagbunga ng serye ng mga reporma at dagdag na benepisyo tulad ng 30% pagtaas noong 2024 at planong 50% dagdag sa 2025. Kabilang sa mga benepisyong ito ang libreng eye check-up, salamin, dialysis, mas pinalawak na saklaw para sa breast cancer treatment, kidney transplant, heart ailment packages, at outpatient emergency care.
Sa pamamagitan ng nauna niyang panukala, ang House Bill No. 10995, nanawagan si Lee na regular na repasuhin at i-update ng Health Technology Assessment (HTA) Council ang mga benepisyo ng PhilHealth. Hinikayat niya ang agarang pagkilos, binatikos ang mabagal na paggamit ng malaking pondo ng PhilHealth para tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa kalusugan.
“Walang dahilan para sa pagkaantala. Maraming Pilipino ang hindi kayang bayaran ang mahal na gamot at pagpapagamot, at ang mga delay ay naglalagay sa mas maraming buhay sa peligro,” ani Lee, na nanawagan ng agarang aksyon tungo sa libreng gamot at serbisyong pangkalusugan para sa lahat. RNT